Kinapa ni Isabella Villaflor ang malaking piyano sa gitna ng sala. Ngumiti siya at nagsimulang sumayaw. Hinawakan niya ang mahabang asul na bestidang suot-suot niya. Dahan-dahan niyang itinapak ang walang sapin niyang mga paa sa sahig. Paikot siyang umindayog sa paligid ng piyano. Pinagmasdan niyang muli ang kabuuan ng sala at tumigil siya sa pagsayaw. Kumunot ang kanyang noo, “Nasa ospital yata ako at wala sa bahay. Napakaraming kama’t puting kumot!” natatawang sabi ni Isabella ngunit mabilis din nitong binawi ang ngiti at bigla siyang sumigaw.
“Gamot, alkohol, gasa, heringgilya, at ano pa! Ano pa! Ospital na ba talaga ang tahanan namin? Wala na ang kulay ng bahay!”
Binawi niya ang sigaw ng malalim na buntong hininga at bumulong sa sarili, “Ngayong araw dapat ang aking kasal. Ang aming kasal.”
Nagulat si Isabella sa malakas na pagbukas ng pinto. Napatakbo siya sa hagdan. Pinilit niyang takpan ang kanyang tainga dahil sa naririnig na iyak, ungol, at sigaw, ng mga sugatan at duguang lalaking dinadala at pinapahiga sa mga kama.