Ako

Iyakin ako, hindi mo lang alam 
Sa bawat ngiti ay may kuwentong dala
Pag-unawa lang ang tanging hiling
Inihahanda ang puso sa anumang maaaring mangyari
Sa umagang darating at sa kahapong iiwan

20151122

Paghihintay sa Alaala

Gaano katagal ang isang taon para makalimot?
Inisip na tama ang naging desisyon
Lumayo para lumago at matuto
Pero ngayon, puso ang nadudurog

Sa kuwento na lamang nakikita
Di man lang sa panaginip nabuo ang alaala
Nagsulat, nanuod, nagbasa, naglaho ng lubusan
Ginawa ang lahat para ikaw ay makalimutan

Pero sa iilang pasaring na lang lumalaya
Bawat litanyang iniiwasan, kalasag ng ngiti ang pananggalang
Mula sa mga kaibigang akalang nakatutulong
Sa pagbibigay ng payo at mga kuwento tungkol sa iyo

Doon, doon na lang bumabalik

Iyon ang maling pagkakaintindi nila
Na ang tayo ay tanging parte ng isang alaala
Higit pa sa mga eksena sa pelikula
Damdamin ko ang sinasabuyan
Ng iba’t ibang pangamba

Kailan kaya matututong lumayo?

Kailan maghihilom ang sugat ng alaala mo?

Ngayon ay hinihintay pa rin
Pagbabalik ng alaala nating dalawa,
Pero mukhang ako na lang ang nag-aabang
Ako na lang muna ang magpapakalaya

Desisyon ko ba ay mali?
Hindi.
Alam kong magiging masaya rin ako sa huli.
—–
Isang tulang isinulat para sa hiling ng isang kaibigan. Sana makalaya na siya.

Cynthia

Alas-kuwatro ng umaga, gigising na naman

Pipiliting ibuka ang kanyang mga mata,

Ngunit sumabay na lamang ang pagbuhos ng luha.

Pinunasan. Bumangon na sa kama.

May bahid ng pagkatulala at namamanhid ang mga paa,

Dumiretso sa banyo upang maghilamos ng mukha.

Sa salamin nakita niya ang kanyang ginawa,

Tatlong araw na nagmukmok at lumuha.

Lubog na tuloy ang kanyang mapupungay na mata,

At ngayon nangingilid ang itim na mga marka.

Puno ng parusa, ngumiti pa rin siya.

Bukas ay mawala na sana ang lahat ng nakita.

Siya si Cynthia, may mapupungay na mga mata.

Maaliwalas ang kanyang mukha noong siya’y bata,

Pero ngayon siya’y nagmistulang buhay na kaluluwa,

Naglalakbay sa mundong hindi niya kilala.

Takbo

Sa tren ng byaheng pang-umaga, may bitbit na bag sa kaliwa, sabay hawak sa kamay ng bata. Isangdaang oras ang lumipas ang kamay ay naging kalansay. Patak ng luha, bumaon sa kailaliman ng lupa. Sa dulo ng paa roon tumubo ang ulo ng bagong bata. Sige, subukan mong hawakan. Gumuho tuloy ang gusali sa may kaliwa. Takbo. Takbo. Bibilang ako ng tatlo.

Tagu-taguan maliwanag ang buwan. ‘Pag bilang ko ng tatlo, nakatago na kayo.

Isa.

                Dalawa.

                                Tatlo.

Takbo! Takbo!

Hawakan mo na ngayon ang mata mo. Hindi sa mukha, ito sa kamay ko. Nakikita mo pa ako? Napakaganda ng daloy ng dugo sa bawat pagitan ng sahig na bato. Iisa-isahin mo pa rin ba ang pagbilang ng iyong kuko? Bakit hindi na lamang tayo maglaro.

Higa ka na sa puting kama sa ibaba. Huwag ka na mag-alala dahil ang barenang aking dala hindi na mararamdaman ang hapdi ng paghiwa. Sa ulo mo lamang ito bubutas dahil ang utak mo ang tanging hangad. Kay gaganda kasi ng iyong mga alaala, pinapasaya pa ng iyong mga makukulay na panaginip. Puso mo ngayon ay walang tigil sa pagtibok, ang bilis ng daloy ng iyong dugo.

Maliliit na mga butas sa iyong katawan ay unti-unti nang maglalabas ng pulang likidong masarap pagmasdan. Huwag ka mag-alala,aalagaan naman kita. Pero saglit lamang, maghintay ka pa. Kailangan ko salukin ang mga likidong ito. Alam mo bang may taong magpapasalamat sa iyo?

Nawala ang ilaw, napunta sa dilim ang lahat. Tatlong baldeng puti ang pinuno ng pulang likido. Ito ay itatago na sa malamig na kabinet sa likod. Makakapagdugtong na naman ito ng buhay sa may bakuran ko. Ang likidong napakasustansya, magpapatubo sa mga halaman ko. Lalago ang kanilang mga dahon, tatayog pa ang kanilang tayo. Lahat ng ito ay salamat sa iyo.

Salamin

Ang mga babae, bata man o matanda, kaibigan ang isang salamin. Sa umaga pagkagising, tititig sa kanya’t pilit na aayusin ang buhok at kanyang mukha. Sa gabi, salamin muli ang kanyang katapat at magsusuklay kasabay ng pagbibilang hanggang isang daan.

Isa. Dalawa. Ngingiti muna. Tatlo. Apat. Lima. Suklay na asul, napupuno na ng alaala. Anim. Pito. Kasing ganda pa rin ba ako ng kahapon? Walo. Siyam. Sampu. Siyamnapu pa matatapos na. Labingisa. Labingdalawa. Luha ay pumapatak sa gilid ng kanang mata. Labingtatlo. Labingapat. Labinglima. Nais na padaliin ang pagsusuklay sapagkat buhok ay nauubos na. Labinganim. Labingpito. Labingwalo. Dalawang suklay na lamang upang tapusin. Labingsiyam. Dalawampu. Suklay ay bibitawan, ilalapag sa lamesa. Tapos na ang gabing ito. Matutulog na. Ngunit ang salamin lamang ang lubos na nakakikita. Wala na ang dating saya. Buhok ay nalagas at ganda ay lumipas. Bukas ng umaga, roon lamang may makakikita, ang suklay ay puno ng buhok ng dalaga. Sa dalawampung bilang nabunot na ang lahat. At ang dalaga ay mahimbing na natutulog, yakap ang kanyang unang basa mula sa magdamagang pagluha. Ang salamin ang tanging nakakita sa hirap na pinagdaanan ng kanyang kaibigan. Bukas ng umaga, walang makakaalam na hindi sa sakit namatay ang dalaga kung hindi sa pag-inom niya ng lasong sa tingin niya ay tanging makatutulong. Sa mga katulad niyang kinalimutan na ng kahapon.

M. Catud

Huwag Kang Iibig ng Makata1

Isang tulang isinulat ng aking kaibigan mula sa unibersidad. Isang likha na aking masayang ibinabahagi sa iba. 🙂

Ang sagot ko sa tulang ito ay ipababasa ko pa lang muna sa kanya. Baka kapag nagkalakas ng loob ay mailagay na rin dito sa susunod.

12152015

Minsan ang kabataan natin ay wala sa mga larawang naitago kundi sa mga alaala ng takbuhan at patintero sa kalsada, piraso ng bangkang papel, mga inabangang palabas sa telebisyon, amoy ng paboritong luto sa bahay, at sandamakmak na kuwentuhan o kulitan ng mga magkakaibigan.


Mga nagbabalik na alaala dala ng patuloy na pagpatak ng ulan sa gabing ito.

Kaunting Pag-unawa

Maraming malulungkot na pangyayaring naganap sa nakalipas na mga araw. Nagdadalamhati ang mga tao, may mga nangungulila, lumuluha, umaasa.

Ang haba nga siguro ng pasensya ko at pilit ko pa ring iniintindi ang mga tao. Hindi na ako nakikipagkita o nakikihalubilo sa intelektuwal na umpukan, pero hindi ibig sabihin na wala akong pakialam at lalong hindi dahil sa hirap akong maintindihan and mga bagay-bagay.

Continue reading