Alalahanin sa Ngayon

Paano nga ba lubusang kumawala
Sa gapos, sa hapis ng kahapon?
Isang tula, siguro isang pelikula
Iyon lamang ang mga inakalang tama

Sa loob lamang ba ng tatlo hanggang limang minuto
O sa isa hanggang dalawang oras makalalaya
Maipahihiwagtig ang nadarama,
Hakbanging dapat tuluyang ipanukala

Ganoon lang ba kadali?

Lumaki sa piling ng kaginhawaan
Bagong sibol ng sigla ng kabataan
Inanod ang mga ideyolohiya,
Inakalang mga kuwentong barberong dala ng nakatatanda

Kapag naiba ang naging pagbasa,
Lumalaki ang hinala ng mga nakakikilala
Rebelde, aktibista, pakawala
Walang paki sa paglago ng bansa

Sino ba talaga ang nagsasabi
Ng tunay na hakbang
Makatutulong sa bayang sinisinta

Bayan, kabayanihan
Wala na bang talaga?

Kapag ang isa ay piniling lumihis sa malawakang paniniwala
Isinasantabi na rin ba siya ng lipunang kinabibilangan?

Pagtutol na ito ay kinatatakutan
Ng mga namumunong pilit na nagpapasubo
Ng huwad na paniniwala’t tiwala
Paglaban daw na ito ay walang halaga

Bakit sila ngayon nababahala?

Indio. Bobo. Filipino.

Nababago ang ngalang pakilala
Ngunit alin ang mas pipiliin
Ang matawag ng ganito
O ang matakot at malunod
Mamatay na nakagapos?

Ako

Iyakin ako, hindi mo lang alam 
Sa bawat ngiti ay may kuwentong dala
Pag-unawa lang ang tanging hiling
Inihahanda ang puso sa anumang maaaring mangyari
Sa umagang darating at sa kahapong iiwan

20151122

Paghihintay sa Alaala

Gaano katagal ang isang taon para makalimot?
Inisip na tama ang naging desisyon
Lumayo para lumago at matuto
Pero ngayon, puso ang nadudurog

Sa kuwento na lamang nakikita
Di man lang sa panaginip nabuo ang alaala
Nagsulat, nanuod, nagbasa, naglaho ng lubusan
Ginawa ang lahat para ikaw ay makalimutan

Pero sa iilang pasaring na lang lumalaya
Bawat litanyang iniiwasan, kalasag ng ngiti ang pananggalang
Mula sa mga kaibigang akalang nakatutulong
Sa pagbibigay ng payo at mga kuwento tungkol sa iyo

Doon, doon na lang bumabalik

Iyon ang maling pagkakaintindi nila
Na ang tayo ay tanging parte ng isang alaala
Higit pa sa mga eksena sa pelikula
Damdamin ko ang sinasabuyan
Ng iba’t ibang pangamba

Kailan kaya matututong lumayo?

Kailan maghihilom ang sugat ng alaala mo?

Ngayon ay hinihintay pa rin
Pagbabalik ng alaala nating dalawa,
Pero mukhang ako na lang ang nag-aabang
Ako na lang muna ang magpapakalaya

Desisyon ko ba ay mali?
Hindi.
Alam kong magiging masaya rin ako sa huli.
—–
Isang tulang isinulat para sa hiling ng isang kaibigan. Sana makalaya na siya.

Pasa sa Katawan, Puso

Masakit mahulog
Lalo na kung biglaan
Kahit pa nga dahan-dahan
Babagsak pa rin sa dulo

Magugulat sa una
Hindi papansinin
Mararamdaman ang kirot
Pero

Babaliwalain

Itutulog na lamang
Ngunit paggising sa umaga
Makikita na ang nangingitim na marka

Sana sa ganitong paraan lang
Nahuhulog ang tao
Pero hindi

Minsan dahan-dahan
Di pinapansin
Nahuhulog na pala
Pilit babaliwalain

Mas mahirap pa nga
Kung di nalalaman nung isa
Nakasasakit na pala
Wala man lang nagsasabi sa kanya

May kirot sa nahulog

Babaliwalain

Kalilimutan na lang siguro

May patutunguhan pa ba ito?

Maliban sa pasalampak na hulog
Magkakalamat pa ang puso

Para saan?

Sa wala.

Di naman niya alam.

——
Dala ng pagmumuni-muni at usapan noong nakaraang Linggo. Itigil na nga ito.

Kilalanin mo Ako

Marahang pagpihit ng gripo, biglang kalabog ng pinto.

Dumiretso ako sa banyo para maghilamos.

Alam ko na ang sasabihin, lunod na naman sa kalalagok,

Magdamagang uminom ng Matador sa may kanto.

Ligaya ko ay hanggang langit ang abot.

Tuwing Sabado ng umaga ganito na lamang ang simula

Ng araw na akala mo’y kayganda’t kaysaya.

Sunod na kilos ko’y basahan ang kasama.

Sa pagyuko’y may kasunod na namang suka.

Ngayon pumunta ako sa kama, kaibigan kong nakatanga,

Kamay ko sa balikat niya, ang isa’y sa may arinola.

Ngayong araw ay tila kakaiba

Sapagkat di ko kayang magwala

Mistulang walang problemang inaalala

Biglang higa ko’t talukbong ng mukha.

Hindi. Mali pala ako.

Ngayon ay kakaiba, ‘pagkat mas mabigat aking dala.

Pilit na itinatago ang hikbi naman ay di mapigilan.

Cynthia

Alas-kuwatro ng umaga, gigising na naman

Pipiliting ibuka ang kanyang mga mata,

Ngunit sumabay na lamang ang pagbuhos ng luha.

Pinunasan. Bumangon na sa kama.

May bahid ng pagkatulala at namamanhid ang mga paa,

Dumiretso sa banyo upang maghilamos ng mukha.

Sa salamin nakita niya ang kanyang ginawa,

Tatlong araw na nagmukmok at lumuha.

Lubog na tuloy ang kanyang mapupungay na mata,

At ngayon nangingilid ang itim na mga marka.

Puno ng parusa, ngumiti pa rin siya.

Bukas ay mawala na sana ang lahat ng nakita.

Siya si Cynthia, may mapupungay na mga mata.

Maaliwalas ang kanyang mukha noong siya’y bata,

Pero ngayon siya’y nagmistulang buhay na kaluluwa,

Naglalakbay sa mundong hindi niya kilala.

M. Catud

Huwag Kang Iibig ng Makata1

Isang tulang isinulat ng aking kaibigan mula sa unibersidad. Isang likha na aking masayang ibinabahagi sa iba. 🙂

Ang sagot ko sa tulang ito ay ipababasa ko pa lang muna sa kanya. Baka kapag nagkalakas ng loob ay mailagay na rin dito sa susunod.