Sa tren ng byaheng pang-umaga, may bitbit na bag sa kaliwa, sabay hawak sa kamay ng bata. Isangdaang oras ang lumipas ang kamay ay naging kalansay. Patak ng luha, bumaon sa kailaliman ng lupa. Sa dulo ng paa roon tumubo ang ulo ng bagong bata. Sige, subukan mong hawakan. Gumuho tuloy ang gusali sa may kaliwa. Takbo. Takbo. Bibilang ako ng tatlo.
Tagu-taguan maliwanag ang buwan. ‘Pag bilang ko ng tatlo, nakatago na kayo.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Takbo! Takbo!
Hawakan mo na ngayon ang mata mo. Hindi sa mukha, ito sa kamay ko. Nakikita mo pa ako? Napakaganda ng daloy ng dugo sa bawat pagitan ng sahig na bato. Iisa-isahin mo pa rin ba ang pagbilang ng iyong kuko? Bakit hindi na lamang tayo maglaro.
Higa ka na sa puting kama sa ibaba. Huwag ka na mag-alala dahil ang barenang aking dala hindi na mararamdaman ang hapdi ng paghiwa. Sa ulo mo lamang ito bubutas dahil ang utak mo ang tanging hangad. Kay gaganda kasi ng iyong mga alaala, pinapasaya pa ng iyong mga makukulay na panaginip. Puso mo ngayon ay walang tigil sa pagtibok, ang bilis ng daloy ng iyong dugo.
Maliliit na mga butas sa iyong katawan ay unti-unti nang maglalabas ng pulang likidong masarap pagmasdan. Huwag ka mag-alala,aalagaan naman kita. Pero saglit lamang, maghintay ka pa. Kailangan ko salukin ang mga likidong ito. Alam mo bang may taong magpapasalamat sa iyo?
Nawala ang ilaw, napunta sa dilim ang lahat. Tatlong baldeng puti ang pinuno ng pulang likido. Ito ay itatago na sa malamig na kabinet sa likod. Makakapagdugtong na naman ito ng buhay sa may bakuran ko. Ang likidong napakasustansya, magpapatubo sa mga halaman ko. Lalago ang kanilang mga dahon, tatayog pa ang kanilang tayo. Lahat ng ito ay salamat sa iyo.