Sa bawat titik at salitang mabubuo
Kasama palagi ang alaala ng taong laman ng puso
Hindi man ako iyon sa bawat pagkakataon
Iintindihin ko’t pagkakaingatan ang mga ito
Mahirap, madalas matagal
Kaya’t pasensiya ang kailangan
Pakikinggan siya’t sasamahan
Upang unti-unti niya akong pagbuksan
Sa ilang pintong isinara upang ipangharang
Sa mga taong dumarating, nang-iiwan
Aawitan ka niya gamit ang kanyang panulat
Dadalhin ka patungo sa kanyang mundo
Ipakikilala sa mga paboritong tauhan
Ng kanyang tula, kuwento’t nobela
Titiyakin na hindi ka mawawala
Sa bawat pagtingin,
Pagtitig sa akin ay di alintana
Kiliti sa kanyang isip,
Gagalaw para ako’y basahin
Kahit pa sabihin nila na kakaiba siya
Ako pa rin ay maglalakad sa tabi niya
Magkahawak kamay naming lalakbayin
Ang mundong tanging sa amin
Nais ko pa ring umibig ng makata
Kahit mahirap, madalas matagal
Pasensiya pa rin ang kailangan
Upang sabay naming pagsasamahin
Ang mga araw at mapuno ang mga pahina
Dalhin man ng agos ang mga pahinang natapos
Siguradong di basta-bastang mawawala
Alaala na pinagtagpo ng bawat ideya at talata
Mukha at salitang tanging sa kanya
Lahat naman talaga kasi ay nagiging makata
Kapag tibok ng puso ang nanguna
Nakabubuo ng makukulay at nakaaantig na mga tula
Sa tingin, haplos, at maging simpleng paalala
Kaya nais ko pa ring umibig ng makata
Kahit matagal, mahirap
Marahang pagbasa
Sa kilos at mga pananalita
Iibig ako ng makata
—
Sagot na tula sa isinulat ng aking kaibigang si M. Catud na Huwag Kang Iibig ng Makata