Pagbubukas ng araw sa may pasilyo
Dumaan ang mga dekada’t nabuong siglo
Kinilala ang pangyayaring nagbigay daan sa pagbuo
Ng mundong kinatatayuan ng mga tao
Mula pagkabata, paulit-ulit na tinuruan
Maging ganap at mabuting tagasunod
Ng mga paalalang uukit sa mundo
Naging malapit sa gawa’t paniniwala
Ngunit nangungulila sa pag-unawa ng iba
Pinilit na turuan ang sariling sumunod
Sa sampung utos na iniwan ng Diyos
Kumakaluskos ang aninag ng panahon
Naghihintay lang pala sa parating na unos
Dahan-dahang inaanod ng agos ng patutya
Tanging pangalan na inaalala na lang sa sakuna
Unti-unting nawawala, nakalilimutan na pala
Ang pagkilala sa Mahabaging Maykapal na nag-aruga
Kahit pa mula pagkabata, paulit-ulit na tinuruan
Maging ganap at mabuting tagasunod
Ng mga paalalang uukit sa mundo
Pero piniit pa ring maging malapit sa gawa’t paniniwala
Ngunit tuluyan na ngang nangulila
Sa pag-unawa ng iba
Ipinagpatuloy ang pagsunod
Lumuhod, lumapit pa rin sa Diyos
Naramdaman ang masakit na sagot
Pusong naniniwala, ikinubli sa mga palad
Sa huli rin naman ay may mahigpit na yakap
Mula sa habag at walang hupang aruga ng Panginoon
Kaya pinipilit pa ring maging malapit sa gawa’t paniniwala
Kahit pa iilan lang ang makauunawa
Magmamahal, magdarasal, ipakikilalang muli sa kanila
Ang Maykapal na nagbigay ng buhay sa bawat isa
(Tula: Pananampalataya)
———-
Hapdi ang dala ng bawat lakad pasulong
Inaabot ang mga kamay, nag-aabang ng tulong
Sa pagsikat ng haring araw paroroon
Uunahan siya para makuha ang unang bulong
Pag-asang utos ng mamang bantay sa may kanto
Hindi alintana galaw ng mga sasakyan
Nakikisinggit sa mga maliliit na pagitan
Tila larong patintero lamang sa bawat isa
Lumaki na kasing sa lansangan nakikipagbunuan
Ngunit kapag nataya, sa larong langit-lupa napupunta
Kaya wala na yatang takot na nadarama
Ang batang itinapon ng mahabaging tadhana
Sa kalsadang akala niyang nag-iisang tahanan
Na nabubuo sa gawa at awa ng ibang tao sa daan
Nagtatawid sa kaniya at maging sa buong pamilya
Sa mata naman ng batang nagmumuta pa sa umaga
Inaabangan lamang ang tawag ng kaniyang ina
Madungis na bata ay di niya tunay na makilala
Pinikit ang mata dahil pinagalitan na rin siya
Noong sinubukan niyang makipaglaro ng taya
“Huwag kang lalapit sa kanila. Marumi at masama sila.”
Kung ganito ang pakilala ng mga nakatatanda
Nasaan na ang pag-asang lalago ang bansa
Na may mga mamamayang mapag-aruga
Sa kapwa PIlipino, maging sino pa man sila
Pero sa maliliit na pagbabagong maaaring ipakita
Liliwanag at magpaparamadam pa rin ang pag-asa
Ito kasi ay magmumula sa puso
Sa haplos, ngiti ng isang musmos
Kung babalikan lamang ng mga tao ngayon
Ang alaala ng mga nawalang taon
Maipakikita ang kinagisnang respeto
Mula sa puno hanggang sa susunod na henerasyon
Mananatiling bukas ang pinto
Ng pag-asensyo’t pag-asang matuto
Sa pagkakamali ng nakaraan
Magiging puhunan ng pagbabago
(Tula: Pag-asa)
———
Kilos ba ang talagang magpapahiwatig
O mga katagang pinudpod na ng panahon ngunit nais pa ring marinig?
Gusto ko ng ice cream
Kumikirot ang dibdib sa unang pagkakataon
Nasasaktan, hindi lamang alam ang dahilan
Sa saglit na kasiyahan nalamang kaya palang magmahal
Mali nga lang na inakalang may patutunguhan
Para sa babaeng hindi pa nakita ng iba bilang maging nobya nila
Gusto ko ng ice cream. Gusto ko ng kausap.
Ito na.
Handa na sana kitang pagbuksan nang lubusan
Inisip mabuti ang mga gagawing hakbang
Pilit pinili ang mga salitang maaaring magamit
Para malaman ng iyong isip ang mga pahiwatig
Gusto ko ng kausap
Pagbubuksan na kita, inisip “Sana noon pa”
Ngunit sa gabing ito ay bigla na lang nagsara
May nakakawit palang panangga ang pusong lumalambot sa tuwing kapiling ka
Mabuti na rin at napigilan pa ng pagkakataon, sinta
Gusto ko ng kausap pero huwag niyo akong lapitan
Unti-unti nang naiintindihan ang katotohanan
Kung hindi siguro mabilis na naagapan
Lalamunin ang puso’t mga alaalang pinagsamahan
Mapapaloob sa inaasahang di pagkakaunawaan
Hindi ko lang din lubusang malaman
Kung ikaw o ako ang may kasalanan
Takot siguro at pangambang maiwan ang nangibabaw
Kaya ako ngayo’y hindi na lamang mag-aabang
Umasa siguro ay hindi na rin tamang pagnilay-nilayan
Dahil sa pagtingin ko sa iyo, hindi ko mabasa ang gusto mo
Wala rin akong lakas ng loob na itanong sa iyo
O mangunang ipagtapat ang nasasaloob ko
Pasensya ka na.
Baka mula ngayon, iiwasan na kita
O ikukubli na ang lahat sa mga ngiting ipakikita
Kasama ng iba.
Sa tingin ko naman mas pipiliin mo
Ang mga kaibigan
Higit sa malabong usapang ito
Mawawala rin naman ang nararamdam
Babalik, iikot, magugulo
Ano kaya ang dulo?
Inaatake na naman lang yata ako.
Gusto ko ng ice cream. Gusto ko ng kausap. Gusto ko ng yakap.
Ito na naman ang buwanang alalahanin ko.
(Tula: Pag-ibig)
Lahok sa Saranggola Blog Awards 8 [2016]