Paano nga ba lubusang kumawala
Sa gapos, sa hapis ng kahapon?
Isang tula, siguro isang pelikula
Iyon lamang ang mga inakalang tama
Sa loob lamang ba ng tatlo hanggang limang minuto
O sa isa hanggang dalawang oras makalalaya
Maipahihiwagtig ang nadarama,
Hakbanging dapat tuluyang ipanukala
Ganoon lang ba kadali?
Lumaki sa piling ng kaginhawaan
Bagong sibol ng sigla ng kabataan
Inanod ang mga ideyolohiya,
Inakalang mga kuwentong barberong dala ng nakatatanda
Kapag naiba ang naging pagbasa,
Lumalaki ang hinala ng mga nakakikilala
Rebelde, aktibista, pakawala
Walang paki sa paglago ng bansa
Sino ba talaga ang nagsasabi
Ng tunay na hakbang
Makatutulong sa bayang sinisinta
Bayan, kabayanihan
Wala na bang talaga?
Kapag ang isa ay piniling lumihis sa malawakang paniniwala
Isinasantabi na rin ba siya ng lipunang kinabibilangan?
Pagtutol na ito ay kinatatakutan
Ng mga namumunong pilit na nagpapasubo
Ng huwad na paniniwala’t tiwala
Paglaban daw na ito ay walang halaga
Bakit sila ngayon nababahala?
Indio. Bobo. Filipino.
Nababago ang ngalang pakilala
Ngunit alin ang mas pipiliin
Ang matawag ng ganito
O ang matakot at malunod
Mamatay na nakagapos?