Pumipintig ang sintido ng babaeng nakaupo sa may pasilyo
Bitbit ang kakapiranggot na kita mula sa buong maghapon
Tinatapik-tapik lamang ang ulo,
Nagbabakasakaling mawala ang kirot
Inuulit ang dasal na kinabisado simula pa noon
Aba, Ginoong Maria napupuno ka ng grasya
Sa iilang barya pa, mapupuno na ang kanyang bulsa
Makauuwi na’t makapaghahain ng hapunan
Malugod na pagsasaluhan ng dalawang pamilya
Sa babaeng nakaupo at sa panganay niyang binatilyo
Sa tulong ng patuloy na pamamalimos
Ng inang iniwan ang lahat sa kahapon
Matapang na hinaharap ang takbo ng panahon
Mag-aantanda ng krus, sisimulan ang pagpapasalamat
Ang Panginoon ay sumasaiyo
Isang buong araw na naman ang natapos
Nairaos kahit papaano ang anim na musmos at ang magsing-irog
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
Pumipintig ang sintido ng babaeng nakaupo sa may pasilyo
Bitbit ang kakapiranggot na kita mula sa buong maghapon
At pinagpala naman
Ang ‘yong anak na si Hesus
Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ngayon at kung kami’y mamamatay
Amen