Bitbitin ang naiwang tagni-tagning damit ng kabataan
Ibalot ang buong katawan, pakiramdaman
Ang init ng iilang mabubuting piraso
Ng mga alaalang pilit ikinubli, ipinangako
Na babalikan, noon, kahapon, siguro nang nakaraan
Pansinin ang dampi ng malamig na hangin
Lalong higpitan ang yakap sa nakuhang damit
Uminit man ang pisngi, bumuhos man ang pighati
Tanging sa iyo nakasalalay ang pagpapatuloy
Ng kahapon, ngayon, at kung ano pang mangyayari
Kaya dalhin, kahit kupas na ang kulay
Mga alaala, paalala, at ilang nakukubling pag-asa
Dahan-dahan man ang paglalakad, pagtitig, pagpupumiglas
Lalaya, makalalaya rin at maghahatid ng bagong bukas