Hindi lang sa Quiapo nakikinig ang butihing Maykapal
Minsan sa paglalakad ay may Aleng makapagtatanggal
Sa mga munting itinatagong sugat, siya’y may itatapal
Ilahad lang palad at uuwi ka nang may bagong dangal
Huminga at itigil muna ang iyong mahabang paglalakad
Marahang ibukas at ipakita ang linya ng iyong kanang palad
Umupo sa silya at maghintay sa tapat ng mesang malapad
Na dala lagi ng Aleng bihasa na sa ganitong pamamalakad
Kung di pa sapat, itanong ang laman ng iyong isipan
Maiging magmasid nang iyong lubos na maunawaan
Ang misteryong ipinagdiriwang sa harapan ng simbahan
Buksan ang mga mata sa dalang tunay na kasagutan
Kung itong mga pagbasa ay hindi pa rin sasapat
May isa pa namang baon ang Ale na maaaring ipangtapat
Sa kung ano pa mang kailangan ng iyong pagsisipat
Inaakalang ang sagot ay nagpapalaki lang sa mga lamat
Pula, berde, dilaw, ano ang kulay ng iyong kahilingan?
Pumili lang sa may Aleng nakaabang sa iyong harapan
Tiyak na ang isip mo ay unti-unting malilinawan
Sa panalangin mo kasi ang mga kandila ay may dalang kasagutan