Sa loob ng isang taon, ilan nga bang beses dapat bumangon?
Ang mga panaginip na pumupuno sa aking gabi ay madalas dinadala ng alaalang di na maibabalik. Pero sa mga nakaraang linggo, ang bawat panaginip ko ay unti-unting nagbibigay linaw sa mga alalahanin at pangarap na hindi ko na inakalang babalik.
Natuto na ang puso at isip ko na magpadala sa agos ng panahon. May kirot man minsan sa dibdib ay patuloy pa rin ako sa pagsulong. Wala rin naman akong ibang magagawa kung hindi tanggapin ang mga biyaya ng araw-araw kahit pa minsan ay hindi ko na lang talaga maintindihan.
Napakaraming mga ideya ang bumabagabag sa akin pero imbis na hikayatin nila ako para kumilos, ako ay naiiwang nakatulala at puno ng alalahanin na kaakibat ng mga salitang “paano kaya kung ginawa ko ito noon?” Sa dami at sabay-sabay na pagdaloy ng mga ideya sa aking isipan ay nakayakap din at patuloy na kumakapit ang takot at alalahaning hindi ko makakayang bigyan ng maganda at maayos na representasyon ang mga ideyang ibibinigay sa akin ng maykapal. Kaya ngayon, lugmo na lang ako sa paghihinayang.
May Bukas Pa, Sa Susunod na Lang
Sa ngayon, ang tanging sigurado sa aking mga pagkilos ay ang pagtanggap na ako ay lagi-lagi na lang napapasabi ng ‘bukas na lang,’ ‘mahirap, sa sunod na lang,’ ‘siguro kapag may oras na,’ at iba pa. Nakapanghihinayang na dahil sa hindi ko ipinagpatuloy ang pagsunod sa aking mga pangarap at ibang mga malikhaing ideya ay unti-unti na akong nawalan ng gana sa paglikha ng kahit ano pa man.
Maaaring itong pagsusulat ko sa ngayon ay isang paraan para mapanatag ang loob ko na kahit papaano ay may ginagawa akong makabuluhan. Pero sa pagdating ng dapithapon, mapapansin ko na naubos na naman ang oras sa isang araw na wala naman talagang napatunguhan ang mga sinimulan ko. Hindi ko alam kung gaano karami pa ang nakararanas ng ganito, pero ang alam ko, maaaring hindi ako nag-iisa. Ang mga karanasan ng isang tao ay maaaring magkapareho, iba-iba lang ng antas ng kabigatan o epekto sa bawat isa.






Leave a comment