Pira-pirasong parte ng litrato
Ang pilit kong ibinabalik sa aking alaala
Mga mukhang minahal ko nang buo
Ngunit ngayon ay nagdadala ng hindi kilalang mga tingin
Mga mata nilang nagsusumamong alalahanin
Sa bawat sulyap na gawin
Lalong lumalabong pagkakakilanlan
May iilang pintig na sumisipa upang makabalik
Pamilya, kaibigan at iba pang mga mahal sa buhay
Unti-unti at dahan-dahang binubura ng takot
Iisang banyagang pangalan lang ang sinasambit
Kinakain nito ang buong pagkatao
Sinumang magsimula sa paghukay ng alaala
Gumagapang ito at bubusog sa sakit, pintig
May ilang hindi na umabot ng tatlumpung taon
Kumatok at pumuslit ang sakit sa kanilang ulo
Tanging dasal at patuloy na pag-aabang
Kung nanaisin ng tadhana ay baka makaligtaan ako
O kahit ikaw at mawawala sa guhit ng palad
Ang pagkalimot ng mga tao sa mundo natin
Bago pa man iyon dumating
Laging may bitbit na kaba sa dibdib
Araw-araw na kukumustahin
Pinaghahandaan ang darating na paghaharap
Pilitin mang takbuhan, hindi pa rin sigurado ang kalalabasan