Kaunting Pag-unawa

Maraming malulungkot na pangyayaring naganap sa nakalipas na mga araw. Nagdadalamhati ang mga tao, may mga nangungulila, lumuluha, umaasa.

Ang haba nga siguro ng pasensya ko at pilit ko pa ring iniintindi ang mga tao. Hindi na ako nakikipagkita o nakikihalubilo sa intelektuwal na umpukan, pero hindi ibig sabihin na wala akong pakialam at lalong hindi dahil sa hirap akong maintindihan and mga bagay-bagay.

Umiiwas lang ako sa di pagkakaunawaan na magdudulot pa lalo ng inis, galit, o pighati sa kung sinuman. Kung gusto mong marinig ang panig ko, magkita tayo. Tanungin mo ako nang harapan at nang magkaintindihan.

Marami kasing hindi naipapahayag sa pamamagitan ng internet at pagpasa ng mga mensahe sa computer. Pero sana maisip mo at ng iba pang mga tao na may iba pang kaakibat ang pakikipagtalastasan, maliban pa sa mga salita at pangungusap na binibitiwan.

Una, iba-iba ang pananaw ng tao sa mga pangyayaring nagaganap sa buhay niya. Karapatan niyang magdesisyon at magbigay ng opinyon. Kagaya mo rin na nagpaparating ng iyong mga ideya at mga hinaing.

Pangalawa, hindi nakatutulong ang pagtawag mo ng bobo sa mga taong kulang sa kaalaman. Maging sa kakilala mo man o sa isang sikat na personalidad. Dinaragdagan mo lang ang sakit at ipinagpapatuloy mo lang ang paulit-ulit na pangmamaliit.

May mga taong kulang sa kaalaman, bakit di mo subukang ibahagi ang mga ideya at kaalamang mayroon ka. Magtiyaga muna tayong paliwanagan sila at sa huli ay mauunawaan ka rin naman.

Imbes na bobo, tanga, at kung anu-ano pang salita, sagutin natin ng maayos at mahinahon ang mga tanong. Baka naman hindi talaga alam o pamilyar ang taong iyon sa kaganapan ngayon. Nauunahan kasi tayo ng pangngutya. Hindi naman madaragdagan ang kaalaman ng taong nilait. Hindi rin naman mababago sa ganoong paraan ang opinyon niya dahil di ka rin naman nagbigay ng alternatibo at mas malinaw na paliwanag.

Alamin din muna natin ang buong kuwento, pag-aralan ang mga detalye para masigurong tama ang ibabahagi nating bagong kaalaman.

Oo tahimik ako at mahina ang loob. Tao ako, may pakiramdam at may utak. Madalas nadadala ako ng emosyon, pero inuuna ko muna ang pag-intindi bago ang pagbatikos. Dito mainam na mahahabi ang tamang mga salita upang makatulong.

Iba-iba tayo ng paraan. Sana lang pare-pareho nang tutunguhing daan para sa mas mabuting pagkakaunawaan at pagbabahagi ng kaalaman.

**Hindi rin siguro ito mababasa ng taong dapat makaalam pero nandito lang ito’t baka maisipan niyang maghalungkat 🙀

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s