Gaano katagal ang isang taon para makalimot?
Inisip na tama ang naging desisyon
Lumayo para lumago at matuto
Pero ngayon, puso ang nadudurog
Sa kuwento na lamang nakikita
Di man lang sa panaginip nabuo ang alaala
Nagsulat, nanuod, nagbasa, naglaho ng lubusan
Ginawa ang lahat para ikaw ay makalimutan
Pero sa iilang pasaring na lang lumalaya
Bawat litanyang iniiwasan, kalasag ng ngiti ang pananggalang
Mula sa mga kaibigang akalang nakatutulong
Sa pagbibigay ng payo at mga kuwento tungkol sa iyo
Doon, doon na lang bumabalik
Iyon ang maling pagkakaintindi nila
Na ang tayo ay tanging parte ng isang alaala
Higit pa sa mga eksena sa pelikula
Damdamin ko ang sinasabuyan
Ng iba’t ibang pangamba
Kailan kaya matututong lumayo?
Kailan maghihilom ang sugat ng alaala mo?
Ngayon ay hinihintay pa rin
Pagbabalik ng alaala nating dalawa,
Pero mukhang ako na lang ang nag-aabang
Ako na lang muna ang magpapakalaya
Desisyon ko ba ay mali?
Hindi.
Alam kong magiging masaya rin ako sa huli.
—–
Isang tulang isinulat para sa hiling ng isang kaibigan. Sana makalaya na siya.