Pasalansang ayos ng nararamdaman sa pamamaalam
Bitbit ang ngiti sa mukha na may nangingilid na luha
Ikinukubli, tanging tabing sa nag-aapoy na kalangitan
Ito na nga lang kaya ang ating huling makukuha?
Ang yapak ng mga paa, kaliwa, kanan, isa, dalawa
Bilang ng takbo ng dumadagundong tibok ng puso
Pilit sinasabayan ang yapak ngunit laging nauuna
Ikaw, ako, tayong lahat ay nalilito papunta sa dulo
Ano ba ang ating makikita, lungkot o saya?
Mga minahal ba ay malugod na sasalubong sa may bukana
O tanging magpapaalala ng mga paghihirap at dusa?
Dito siguro talaga ipagpapatuloy ang paghuhulaan
Ang kuwentong kinalimutan sa ating kabataan
Maging sa pangarap na tinalikuran nang walang alinlangan