Dumudungaw ang mainit na haplos ng liwanag
Mula sa kurtinang dahan-dahang sumasayaw
Sa bawat pagbati ng malamig na hangin
Unti-unting umaangat mula sa sahig na pulang-pula
Mga alaalang binabagtas ang makinis na paalala
Isang bagong umaga ang masayang bumubulaga
Ang tahanang noo’y puno nang sapot na ipinaikot-ikot
Sa may sulok na nalimot na ng panahon
Ngayo’y tahanan na rin nang mga alikabok
Na may bahid ng saya’t lungkot ng kahapon
Mga ngiti nang pag-uunat ng mga sanggol ang sagot
Sa pagbuka nang palad tiyak na ang pagkalimot
Sapagkat sa umagang ito tuluyang babangon
Magsisimula ng bagong pahina sa libro ng pagbabago
Ineng, ineng ang baga ay nasa iyong paanan
Totoy, tara sumigaw nang pagkagilagilalas
Ganito ang hiling ng mga mumunting bumabagtas
Sa dagat na puno ng alon at pag-aalala
Sa kagandahang dapat sana’y noon pa nakita
Dumudungaw ang mainit na haplos ng liwanag
Mula sa kurtinang dahan-dahang sumasayaw
Unti-unting umaangat mula sa sahig na pulang-pula
Mga alaalang binabagtas ang makinis na paalala
Isang bagong umaga ang masayang bubulaga