Sa pagsayaw ng liwanag ng kandila sa ating harapan
Pakaliwa’t pakanang pagsabay sa ating bawat paghinga
Minsan inaakala nating patapos na ang problemang noo’y nagpahirap
Sa puso nating punong-puno na ng di magagandang alaala
Na may iilang natirang peklat katabi nang unti-unting naghihilom na sugat
Kaso sa bawat hakbang pasulong at sa paglapat ng liwanag
Dahan-dahang nagbabalik ang hapdi sa mga gasgas na naghilom
Na ipinanalangin natin nang taimtim na sana’y di na magbalik
Pero ngayo’y nagbabadyang muling bumukas at magpahirap
Na muling kikirot habang pilit nating huwag pansinin
Kaya yata talaga matalinghaga ang takbo ng ating tadhana
Minsan ang liwanag kasi’y natatakpan ng mga ulap
Na pilit naman nating itinataboy sa pag-ihip
Ng mainit na hiningang nagsasabing
Ako at ika’y buhay pa
Na ano man ang mangyari, may isa pa tayong panangga
Ang huminga at magpatuloy sa pagharap sa kung ano pang ibato ng tadhana
Matuto rin tayong magpahinga upang tayo ay makalaya
Ihanda ang ating mga mata sa pagmasid sa paglubog at pagsikat ng araw
Magasgasan mang muli, kumirot mang muli ang ating mga puso
Mabulag man saglit sa kislap ng liwanag ng mga nakaraan
Tayo ay magpapatuloy, may isa pa tayong hininga