Apat na sulok ang lalakbayin
Bago lisanin ang nakaraang madilim
Pero paano matatapos
Kung ang pader ay salamin?
Walang katapusan ang pag-ikot
Dumudoble ang sulok sa bawat tingin
Dumadagundong ang pintig ng puso
Nagbabadya o nagpapaalala
Mag-ingat ka sa anumang paparating
Sulyap sa kaliwa may litratong dala
Panahon ng bata pa’t walang problema
Tanging pag-iyak sa nasirang laruan
Pagkatalisod o pagkatalo sa larong taguan
Kabig sa kanan ay may estatwang kahoy
Nakatitig, nakalahad ang palad
Tutulong o nanghihingi ng tulong
Ito ang dala ng museong salamin
Sa aking panaginip lamang nakalalayo
Tunay na ngayong nilalakaran at nilalamon
Ng paulit-ulit na sulyap sa parehong panahon
Alaalang ibinabaon pero nangingibabaw sa maghapon
Walang lugar na matatakbuhan
Katinuan ay hahabulin na rin hanggang mapagod
Sa tunay na sulok ng silid na kabaong
Matapos basagin ang mapanlinlang na anino