Nais mang balikan at muling basahin
Tanging sa bakas ng natuyong luha makikita
Ang dahan-dahang binurang mga nabuong talata
Ang kuwento ng aking buhay na isinulat ng tadhana
Kaya magsisimula na lamang muli
Sa isang piraso ng papel
Maputi’t walang laman
Nais kong punuin ngunit walang maisulat
Patak na lamang ng luha ang maglalahad
Ng bawat kabanatang sinimulan at patuloy na binabagtas
Upang mabuo ang aking pagkatao
Kukunin mula sa pira-piraso
Sapagkat dito na lamang may makikinig
Ang mga papel na magsisilbing tagapakinig
Pauulanin ang mga salita
Tanging pahina ang makaaalam
Ng sikreto’t hinanakit
Kasiyahan, kabiguan
Mga pangarap, pangako, bumabalik sa gunita
Ngunit ang tinta mula sa panulat
Hindi masabayan ang pagpatak ng luha
Namuo na at naghihingalo
Sa bawat paghalik sa piraso ng papel
May nakaligtaang linya,
Nakalilito ang mga salita
Hindi mabuo ang mga pangungusap
Kahit pa ganoon
May ngiting dala ang bawat pataas, pababang pagsulat
Ito ang tunay na kuwento ng aking buhay
Minsan malinaw ang bawat tagpo’t karanasan
Ngunit mas madalas ay putul-putol
May mga nakalilimutan, kinakalimutan
Nabubura sa mga alaalang itinago sa kailaliman
Ng isip at damdaming iniiwasan
Tulad ng mga piling alaala
Nakatatak na sa aking pagkatao
Siguro sa susunod ay mas magiging malinaw
Ang bawat galaw ng aking mga kamay
Wala na ring luhang sasabay
Sa isa-isang salitang kumakawala
Sa aking isipan at ikinakabit sa mga piraso ng papel
Doon magsisimula
O siguro’y magtatapos
Malalaman ko iyon
Kapag tumila na
Mga mata’y makakikita
Maitatala na ang isang buo at bagong kabanata
Araw ng mga puso 2016-02-14