Isang Hibla

P_20160604_163437.jpg

Saranggola, nag-aabang sa hangin
Ihip, hinga nang malalim
Pinipilit isabit sa lubid
Buhay na unti-unting napapatid
Ibubuhol na lamang sa iba
Para maipagpatuloy ang diwa
Ihip, hinga, halinghing ng pangungulila
Alaala ng kalayaan, ng kabataan
Ngunit ngayon ay isang hibla na lamang

Pinipilit isinasabit sa lubid
Buhay na unti-unting napapatid

Inaanod na Paalala

Pagbubukas ng araw sa may pasilyo
Dumaan ang mga dekada’t nabuong siglo
Kinilala ang pangyayaring nagbigay daan sa pagbuo
Ng mundong kinatatayuan ng mga tao

Mula pagkabata, paulit-ulit na tinuruan
Maging ganap at mabuting tagasunod
Ng mga paalalang uukit sa mundo

Naging malapit sa gawa’t paniniwala
Ngunit nangungulila sa pag-unawa ng iba

Pinilit na turuan ang sariling sumunod
Sa sampung utos na iniwan ng Diyos
Kumakaluskos ang aninag ng panahon
Naghihintay lang pala sa parating na unos

Dahan-dahang inaanod ng agos ng patutya
Tanging pangalan na inaalala na lang sa sakuna
Unti-unting nawawala, nakalilimutan na pala
Ang pagkilala sa Mahabaging Maykapal na nag-aruga

Kahit pa mula pagkabata, paulit-ulit na tinuruan
Maging ganap at mabuting tagasunod
Ng mga paalalang uukit sa mundo

Pero piniit pa ring maging malapit sa gawa’t paniniwala
Ngunit tuluyan na ngang nangulila
Sa pag-unawa ng iba

Ipinagpatuloy ang pagsunod
Lumuhod, lumapit pa rin sa Diyos
Naramdaman ang masakit na sagot
Pusong naniniwala, ikinubli sa mga palad
Sa huli rin naman ay may mahigpit na yakap
Mula sa habag at walang hupang aruga ng Panginoon

Kaya pinipilit pa ring maging malapit sa gawa’t paniniwala
Kahit pa iilan lang ang makauunawa
Magmamahal, magdarasal, ipakikilalang muli sa kanila
Ang Maykapal na nagbigay ng buhay sa bawat isa

 (Tula: Pananampalataya)

———-

Hapdi ang dala ng bawat lakad pasulong
Inaabot ang mga kamay, nag-aabang ng tulong
Sa pagsikat ng haring araw paroroon
Uunahan siya para makuha ang unang bulong
Pag-asang utos ng mamang bantay sa may kanto

Hindi alintana galaw ng mga sasakyan
Nakikisinggit sa mga maliliit na pagitan
Tila larong patintero lamang sa bawat isa
Lumaki na kasing sa lansangan nakikipagbunuan
Ngunit kapag nataya, sa larong langit-lupa napupunta

Kaya wala na yatang takot na nadarama
Ang batang itinapon ng mahabaging tadhana
Sa kalsadang akala niyang nag-iisang tahanan
Na nabubuo sa gawa at awa ng ibang tao sa daan
Nagtatawid sa kaniya at maging sa buong pamilya

Sa mata naman ng batang nagmumuta pa sa umaga
Inaabangan lamang ang tawag ng kaniyang ina
Madungis na bata ay di niya tunay na makilala
Pinikit ang mata dahil pinagalitan na rin siya
Noong sinubukan niyang makipaglaro ng taya

“Huwag kang lalapit sa kanila. Marumi at masama sila.”

Kung ganito ang pakilala ng mga nakatatanda
Nasaan na ang pag-asang lalago ang bansa
Na may mga mamamayang mapag-aruga
Sa kapwa PIlipino, maging sino pa man sila

Pero sa maliliit na pagbabagong maaaring ipakita
Liliwanag at magpaparamadam pa rin ang pag-asa
Ito kasi ay magmumula sa puso
Sa haplos, ngiti ng isang musmos

Kung babalikan lamang ng mga tao ngayon
Ang alaala ng mga nawalang taon
Maipakikita ang kinagisnang respeto
Mula sa puno hanggang sa susunod na henerasyon

Mananatiling bukas ang pinto
Ng pag-asensyo’t pag-asang matuto
Sa pagkakamali ng nakaraan
Magiging puhunan ng pagbabago

 (Tula: Pag-asa)

———

Kilos ba ang talagang magpapahiwatig
O mga katagang pinudpod na ng panahon ngunit nais pa ring marinig?

Gusto ko ng ice cream

Kumikirot ang dibdib sa unang pagkakataon
Nasasaktan, hindi lamang alam ang dahilan
Sa saglit na kasiyahan nalamang kaya palang magmahal
Mali nga lang na inakalang may patutunguhan
Para sa babaeng hindi pa nakita ng iba bilang maging nobya nila

Gusto ko ng ice cream. Gusto ko ng kausap.

Ito na.
Handa na sana kitang pagbuksan nang lubusan
Inisip mabuti ang mga gagawing hakbang
Pilit pinili ang mga salitang maaaring magamit
Para malaman ng iyong isip ang mga pahiwatig

Gusto ko ng kausap

Pagbubuksan na kita, inisip “Sana noon pa”
Ngunit sa gabing ito ay bigla na lang nagsara
May nakakawit palang panangga ang pusong lumalambot sa tuwing kapiling ka
Mabuti na rin at napigilan pa ng pagkakataon, sinta

Gusto ko ng kausap pero huwag niyo akong lapitan 

Unti-unti nang naiintindihan ang katotohanan
Kung hindi siguro mabilis na naagapan
Lalamunin ang puso’t mga alaalang pinagsamahan
Mapapaloob sa inaasahang di pagkakaunawaan

Hindi ko lang din lubusang malaman
Kung ikaw o ako ang may kasalanan
Takot siguro at pangambang maiwan ang nangibabaw
Kaya ako ngayo’y hindi na lamang mag-aabang
Umasa siguro ay hindi na rin tamang pagnilay-nilayan

Dahil sa pagtingin ko sa iyo, hindi ko mabasa ang gusto mo
Wala rin akong lakas ng loob na itanong sa iyo
O mangunang ipagtapat ang nasasaloob ko

Pasensya ka na.

Baka mula ngayon, iiwasan na kita
O ikukubli na ang lahat sa mga ngiting ipakikita
Kasama ng iba.

Sa tingin ko naman mas pipiliin mo
Ang mga kaibigan
Higit sa malabong usapang ito

Mawawala rin naman ang nararamdam

Babalik, iikot, magugulo

Ano kaya ang dulo?

Inaatake na naman lang yata ako.

Gusto ko ng ice cream. Gusto ko ng kausap. Gusto ko ng yakap.
Ito na naman ang buwanang alalahanin ko.

 (Tula: Pag-ibig)

Lahok sa Saranggola Blog Awards 8 [2016] 

 

  

Kaba sa Araw-araw

Pira-pirasong parte ng litrato
Ang pilit kong ibinabalik sa aking alaala
Mga mukhang minahal ko nang buo
Ngunit ngayon ay nagdadala ng hindi kilalang mga tingin
Mga mata nilang nagsusumamong alalahanin

Sa bawat sulyap na gawin
Lalong lumalabong pagkakakilanlan
May iilang pintig na sumisipa upang makabalik
Pamilya, kaibigan at iba pang mga mahal sa buhay
Unti-unti at dahan-dahang binubura ng takot

Iisang banyagang pangalan lang ang sinasambit
Kinakain nito ang buong pagkatao
Sinumang magsimula sa paghukay ng alaala
Gumagapang ito at bubusog sa sakit, pintig
May ilang hindi na umabot ng tatlumpung taon

Kumatok at pumuslit ang sakit sa kanilang ulo
Tanging dasal at patuloy na pag-aabang
Kung nanaisin ng tadhana ay baka makaligtaan ako
O kahit ikaw at mawawala sa guhit ng palad
Ang pagkalimot ng mga tao sa mundo natin

Bago pa man iyon dumating
Laging may bitbit na kaba sa dibdib
Araw-araw na kukumustahin
Pinaghahandaan ang darating na paghaharap
Pilitin mang takbuhan, hindi pa rin sigurado ang kalalabasan

Haplos

Pinipilit kong balik-balikan
Ang alaalang lumulutang
Sa tanging bughaw na kalangitan
Inaaninag mga mukhang sa alapaap dumulong

Bitbit ang kakapiranggot na tela
Kinupas na ng panahon at luha
Dikit na halos sa aking dibdib
Ramdam ang bawat pintig

Lahat ng maraanan ay nilalapitan
Pinakikiramdaman upang marinig kahit panandalian
Hindi lang mga mata ang kinukuha
Pati pandinig minsan ay tuluyang nawala