Abril: Isa pang pagkakataon

Dati-rati sa loob lamang ng ilang oras ay nakasusulat na ako ng isang buong akda, mapa tula, maikling kuwento o kahit pa nga dula. Iyon ba ay dahil sa malawak at malaya kong kaisipan noong ako’y mas bata pa? O dahil sa pangangailangang dala ng mga markang kaakibat ng mga akda?

Sa paglipas ng panahon, lalo lamang dumadalang ang aking pagbisita sa makulay na mundo ng mga iba’t ibang sanaysay. Tila naging walang kamatayang litanya ko na ang mga katagang “Pagod ako,” “Mas kailangan ko magtrabaho,” o “May bukas pa naman para sa pagsusulat.” Ang malungkot pa sa lahat ay minsan nakikinig ako sa bulong na mula sa aking konsensya na nagsasabing, Wala kang karapatang magsulat dahil wala rin namang makabuluhan o malalim na mensahe ang mga salitang gusto mong ibahagi. At dahil sa mga ganitong sunud-sunod na pagkakataon ay mas naging madalang na rin ang aking pagbuklat ng mga aklat na maaari sanang magdala muli sa akin pabalik sa nakalipas na mga taon.

Hirap akong umupo at makipagtalastasan sa akdang binabasa dahil tila hinila na ako ng bigat ng araw-araw na pagkayod sa trabahong nagbibigay sa akin ng kakayahang mamuhay na busog ang tiyan at may bubong sa aking bunbunan. Ang mga salita ko tuloy ngayon ay lipas na rin sa panahon. Ang pusong dati’y matapang na nakikipagbuno sa mga tauhan at eksenang dala ng aking imahinasyon at mga pangarap, ay ngayo’y napupuno ng mga alalahanin ng realidad na dala ng pagtanda. Mas nakatatakot pa sa pinakamadilim na yugto ng isang kuwentong kababalaghan ang naging bunga ng aking pagtalikod sa ideyang itinago ko na lamang sa kaibuturan ng aking kaisipan. Ngayon ang bolpen ko’y natuyo na sa kakulangan ng kaalaman upang mas makapagbahagi ng mga karanasang kakatok sa isipan at puso ng mga mambabasa. Nawalan na rin ang bolpen ko ng kakayahang magsimula ng ilang katagang magpapahiwatag ng anyayang pakikihalubilo sana sa mga pangarap ng aking mambabasa. Ngayon, tila tanging ang araw-araw na pagdilat sa umaga at pagharap sa blankong pahina ang namamayani sa ilan pang taong daraan. Ngunit ngayon ay bibigyan ko muna ng isang saglit na paggunita sa sulat na ito ang aking kabataang nais magpaalam. Kahit pa nangingilid ang luha, paumanhin muna at magkakalat ako ng ilan sa aking mga akdang naluma na sa loob ng aking mga kuwaderno. Sa loob ng mga susunod na linggo, bibigyan ko sila ng buhay sa loob ng mundo ng internet para sana, kahit isa, ay may makabasa sa kanila.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s