Kuwentong Romansa

Kinapa ni Isabella Villaflor ang malaking piyano sa gitna ng sala. Ngumiti siya at nagsimulang sumayaw. Hinawakan niya ang mahabang asul na bestidang suot-suot niya. Dahan-dahan niyang itinapak ang walang sapin niyang mga paa sa sahig. Paikot siyang umindayog sa paligid ng piyano. Pinagmasdan niyang muli ang kabuuan ng sala at tumigil siya sa pagsayaw. Kumunot ang kanyang noo, “Nasa ospital yata ako at wala sa bahay. Napakaraming kama’t puting kumot!” natatawang sabi ni Isabella ngunit mabilis din nitong binawi ang ngiti at bigla siyang sumigaw.

“Gamot, alkohol, gasa, heringgilya, at ano pa! Ano pa! Ospital na ba talaga ang tahanan namin? Wala na ang kulay ng bahay!”

Binawi niya ang sigaw ng malalim na buntong hininga at bumulong sa sarili, “Ngayong araw dapat ang aking kasal. Ang aming kasal.”

Nagulat si Isabella sa malakas na pagbukas ng pinto. Napatakbo siya sa hagdan. Pinilit niyang takpan ang kanyang tainga dahil sa naririnig na iyak, ungol, at sigaw, ng mga sugatan at duguang lalaking dinadala at pinapahiga sa mga kama.

Ngunit nagsimulang manginig ang katawan niya at pumatak ang mga luha sa kanyang mata nang makita niya ang akay-akay na lalaki ng kanyang ama.

“E…mi…lio. Emi…lio. Emilio!”

Tumakbo siya pababa ng hagdan habang sinasabing, “Nandito ako, Emilio.”

Pilit niyang isiniksik ang sarili sa pagitan ng mga nagkakaguluhang mga tao habang inilalahad ang palad upang abutin ang kamay ng lalaki. Hindi niya ito naabot. Nalunod siya sa pagitan ng mga tao nang magsimulang magkagulo ang lahat kasabay ng dumadagundong na putukan sa labas ng bahay.

—-
Isang eksenang mula sa alaala ng FIL150- Pagsulat ng Kuwentong Popular

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s