Alas-kuwatro ng umaga, gigising na naman
Pipiliting ibuka ang kanyang mga mata,
Ngunit sumabay na lamang ang pagbuhos ng luha.
Pinunasan. Bumangon na sa kama.
May bahid ng pagkatulala at namamanhid ang mga paa,
Dumiretso sa banyo upang maghilamos ng mukha.
Sa salamin nakita niya ang kanyang ginawa,
Tatlong araw na nagmukmok at lumuha.
Lubog na tuloy ang kanyang mapupungay na mata,
At ngayon nangingilid ang itim na mga marka.
Puno ng parusa, ngumiti pa rin siya.
Bukas ay mawala na sana ang lahat ng nakita.
Siya si Cynthia, may mapupungay na mga mata.
Maaliwalas ang kanyang mukha noong siya’y bata,
Pero ngayon siya’y nagmistulang buhay na kaluluwa,
Naglalakbay sa mundong hindi niya kilala.